Linggo, Marso 4, 2012

Pebrero 23: Pantayong Pananaw

Ang diskusyon ngayon ay katuluyan ng pagsasakatutubo at sumi-sentro sa Pantayong Pananaw. Nabanggit ng aming propesor ang tungkol kay Zeus Salazar. Siya lang naman ang dakilang tao sa likod ng konsepto ng Pantayong Pananaw.

Ang pinakatumatak sa aking isipan ay ang debate sa pagitan ng aking propesor at ni Zeus Salazar na nabanggit rin niyang tinatawag niyang "Bathala" dahil sa kanyang ngalan. Naniniwala si Zeus Salazar na importante ang bumalik sa panahon na wala pa ang mga dayuhan at ituring ang kasaysayan bilang sa atin...tayo...natin. Subalit naniniwala ang aking propesor na bago pa man dumating ang mga dayuhan, wala pa naman talaga tayong sariling identidad o ayos/sistema ng pamahalaan. Kagaya nga ng palabas na Amaya, ang bansa ay binubuo ng iba't ibang mga puod at banwa. Ang nahinuha ko ay parang ang mga dayuhang mananakop ang mistulang nagpa-isa sa atin bilang bansa dahil sa sistema ng gobyerno na inimpluwensiya nila sa atin.

Isa pang tumatak sa akin ay yung konsepto ng Pantayong Pananaw na tinitingnan ang kasaysayan mula sa sarili nating perspektibo, pantayo, sa ating perspektibo, perspektibo natin. Tama lang naman na ang sarili nating kasaysayan ay tayo mismo ang nagsulat hindi mula sa iba o tingin ng iba. Kadalasan ay nararamdaman ko ang diskriminasyong bumabalot sa mga ito dahil ang tingin sa atin ng mga dayuhan ay mga mang-mang  at walang alam, isang indio, at hindi sibilisado.

Sa aking palagay, mahirap matamasa ang pantayong pananaw dahil bukod sa halos lahat ng naka-rekord ay sinulat ng mga kanluranin, nanatili pa ring kolonya ang ating bansa. Kung oobserbahan ang paligid, marami pa ring mga tao ang naimpluwensiyahan hanggang ngayon ng mga produkto ng ibang bansa. Marami rin ang walang pakialam at ikinahihiya ang pagka-Pilipino. Nagiging mayabang lang sila kung halimbawa nanalo si Pacquiao sa isang laban sa boksing. Mas tinatangkilik rin ng karamihan ang mga pelikula at palabas sa telebisyon ng mga dayuhan. Halimbawa na lamang ay si Charice. Sobrang sikat na siya sa iba't ibang bansa ngunit sa sarili nating bansa, hindi buo ang suporta ng mga Pilipino sa kanya. Para bang sa dayuhan, "bilib ka" pero sa kapwa Pilipino, kapintasan ang lumalabas.

Hinihiling ko na sana kahit pakonti-konti matutong  ang maging makabayan ang lahat ng Pinoy. Sana maisip natin na bukod sa parte tayo ng kanya-kanya nating pamilya, parte tayo ng bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento