Lunes, Marso 19, 2012

Critical Commentary: Post-Colonial

Tuwing pinag-uusapan ang tungkol sa kolonyalismo, palagi ko agad naiisip ang bansa nating Pilipinas. Parang kahapon lang nang nasakop tayo ng mga dayuhan. Sa totoo lang, ang kolonyalismo para sa akin ang pinakadahilan kung bakit ang ating bansa ay hindi makatayo bilang nasyon dahil sa malabong identidad. Kailan mo ba masasabi na tatak Pinoy nga ang isang bagay? Kailan mo masasabi na proudly Pinoy ang isang pagdiriwang? Ilan lang yan sa mga tanong na mahirap sagutin at ipaliwanag dahil sa mga kolonyal nating karanasan. Ngunit, sa pag-aaral ng post-colonialism, napagtanto ko na kahit papaano may madudungaw pa akong pag-asa para matamasa ang tatak Pilipino.

Ayon sa pag-uulat ng grupo, ang post-colonialism ay isang perspektibo ng kinabukasan na malaya mula sa mga impluwensiya ng mga kolonyang bansa. Kumbaga ito yung panahon kung saan ang isang bansa ay bumabangon at maaaring mamili kung ibabalik nila ang kanilang identidad bago sila sinakop o kung gagawa sila ng panibagong identidad at kultura na may bahid na ng kolonya. Sa ganitong paraan, naisip at nakita ko na may mabuti rin naman naidudulot ang kolonyalismo. Dito sa ating bansa, hindi naman magkakaroon ng sentral na pamahalaan kundi dahil sa mga Kastila, kahit papaano, nagkaroon ng initiative na magpamahala at magtalaga ng kaayusan at disiplina sa bayan. Subalit lahat ng mga benepisyong ipinamalas ng mga kolonya ay may kaakibat naman na kapalit katulad na lamang ng mga natural resources na sila mismo ang nakikinabang.

Si Franz Fanon, isa sa mga teorist ng post-colonialism ay nagsasabing na rasismo ang dahilan kung bakit ang isang tao ay hindi alintana na siya ay napapailalim sa isang superyor na lahi, kadalasan nagiging resulta nito ay pagkakaiba ng mga pananaw ng bawat tao na nasakop sa isang bansa. Halimbawa na lamang ay kung mayroon isang negro na marunong magsalita ng Ingles, tanggap niya ang lahi ng mga Ingles at magiging masama naman ang tingin niya sa sarili niyang lahi. Sumasang-ayon ako sa konsepto na ito dahil sa sarili kong karanasan. Marami akong mga kakilala na mababa ang tingin sa mga gawang Pinoy katulad ng OPM, mga pelikulang Pilipino, tingin nila, "jologs" ang isang tao kung mahilig sila sa mga maka-Pilipinong palabas o kanta porket sila ay mulat sa mga internasyonal na pelikula o kanta. Ipinahayag din ni Fanon ang konsepto ng decolonization,  na ang ibig sabihin ay pagbawi ng dating kultura at tradisyon o identidad at pagbuo rin ng identidad matapos ang kolonyalismo. Sa aking palagay, mahirap ng mabawi pa ang dating kultura o tradisyon dahil naimpluwensiyahan na ang mga ito at marahil ang iba ay naglaho na dahil hindi na bagay sa panahon o sadyang hindi lang nararapat ayon sa mga nakagawian na ngayon.

Si Edward Said naman ay teorist na nagpakilala sa konsepto ng oryentalism, ito ang mga kaugaliang makikita sa mga taga-Silangan na nagmimistulang nasasaklawan ng mga taga-Kanluran kung ang usapin ay kapangyarihan.   Sa maniwala ka man sakin o hindi, tinatangkilik ko ang "Asya para sa mga Asyano", naniniwala ako na mas may kakayahan ang mga Asyano kaysa sa mga Kanluranin, kung di man nakakahigit, pantay lamang sila. Kung wala rin naman ang isa, hindi rin naman mananatili o mabubuhay ang isa. 

Naipahayag din ang tungkol sa konsepto ng hybridization. Ito ang pinaghalong lahi, dalawa o higit pang mga lahi dahil sa pagkakaroon ng sari-saring kultura sa isang bansa buhat sa kolonyalismo. Isang napakagandang halimbawa ang Pilipinas. Para sa akin, hindi ko makilala kung ano nga ba talaga ang itsura ng isang Pilipino dahil noon pa lang, parang kamukha na natin ang mga Malay, minsan parang naman tayong mga Intsik, halo-halo talaga. Magkakaiba tayong lahat.

Ang post-colonialism ay hindi maglalaho dahil halos lahat ng bansa ay dumaan sa kolonyalismo. Hindi natin maiaalis ang naging impluwensiya ng mga iba't ibang lahi na nagbunga ng kinahihinatnan ng bansa natin ngayon. Importante nga na maging mulat dito para malaman natin kung pano masolusyonan ang mga mga problema panlipunan, pampulitika at pangkultura sa bansa. 

References:
http://www.facebook.com/groups/168774083227337/doc/193118960792849/  (Lecture notes of the Post-Colonialism group)




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento