Biyernes, Marso 23, 2012

Critical Commentary: Indigenous Filipino

Bago ko ipahayag ang ukol sa tatlong naratibo ng pagsasakatutubo, mayroon muna itong dalawang uri: pagsasakatutubo mula sa labas at pagsasakatutubo mula sa loob.

Ang pagsasakatutubo mula sa labas ay sumasalamin sa perspektibo ng mga mananakop, mga taga-labas.  At ang pagsasakatutubo mula sa loob ay ayon sa pangalan, mula sa loob, nagsimula ang pagbubuo ng identidad sa loob, sa perspektibo mismo ng mga mamamayan ng bansa. Sa tingin ko mas magandang gamitin at madali gamitin ang pagsasakatutubo mula sa loob dahil kung pag-uusapan na rin naman ang identidad, importanteng mula sa tao mismo na bumibilang sa bansang naghahangad na maging isang nasyon , sariling kultura, at identidad.

3 Naratibo ng Pagsasakatutubo:
1.       Sikolohiyang Pilipino
Ipinakikilala nito na bakit gagamitin natin ang pamantayang hindi naman akma sa atin. Naniniwala din ito na lagi natin tinitimbang ang ating sarili na tayo’y kulang kung ikukumpara sa mga taga-labas o dayuhan. Layunin nito na basagin ang paniniwala ng pag-aaral at pagtuklas ng kanluranin na phenomenon at bigyang pansin ang sarili nating kaisipan o ang mga lokal na batis. Hindi ibigsabihin ay binabalewala na ang mga perskpektibo mula sa mga kanluranin, bagkus dapat lang maging kritikal. Sa usapin tungkol dito, nagtataka ako kung paano humantong sa ganito ang pag-iisip ng mga Pilipino. Marahil ang dahilan dito ay mga pananakop na naranasan ng ating bansa. Namulat tayo sa kaisipan na lagi tayong mas mababa, lalo na kung ikukumpara sa mga kanluranin.

2.       Pilipinolohiya
Ipinapakilala nito ang pag-aaral ng mga Pilipino, pagiging Pilipino at iba’t ibang paraan sa pagiging Pilipino. Sistematikong pag-aaral din siya ng kulturang Pilipino at ng lipunan. Sa tingin ko maganda ang balaking ito dahil importanteng matukoy ang sarili nating identidad bilang Pilipino at bilang isang bansa na nagkakaisa. Ipinapahayag din nito na importante ang pagiging dalubhasa sa wika para maisaayos ang kultura ng isang lipunan dahil sinasabi nito na pag hindi lubos na napag-aralan ang tungkol sa wika kung saan naitanim ang kultura, walang malalim na pang-unawa sa kultura ang posible. Sa madaling salita, kung hindi maayos ang wika, walang maayos na kultura ang mangigibabaw.

3.       Pantayong Pananaw
Tinitingnan nito ang kasaysayan mula sa sarili nating perspektibo, pantayo, sa ating perspektibo o perspektibo natin. Tama lang naman na ang sarili nating kasaysayan ay tayo mismo ang nagsulat hindi mula sa iba o tingin ng iba. Kadalasan nga nararamdaman ko ang diskriminasyong bumabalot sa mga ito dahil nabantad na sa ating ang pagiging mang mang, hindi sibilisado at iba pa.

 Sa aking palagay, mahirap matamasa ang pantayong pananaw dahil bukod sa halos lahat ng naka-rekord ay sinulat ng mga kanluranin, nanatili pa ring kolonya ang ating bansa. Kung oobserbahan ang paligid, marami pa ring mga tao ang naimpluwensiyahan hanggang ngayon ng mga produkto ng ibang bansa. Marami rin ang walang pakialam at ikinahihiya ang pagka-Pilipino. Nagiging mayabang lang sila kung halimbawa nanalo si Pacquiao sa isang laban sa boksing. Mas tinatangkilik rin ng karamihan ang mga pelikula at palabas sa telebisyon ng mga dayuhan. Halimbawa na lamang ay si Charice. Sobrang sikat na siya sa iba't ibang bansa ngunit sa sarili nating bansa, hindi buo ang suporta ng mga Pilipino sa kanya. Para bang sa dayuhan, "bilib ka" pero sa kapwa Pilipino, kapintasan ang lumalabas.

Sa kabuuan, ang pagsasakatutubo ay isang importanteng konsepto na sa tingin ko hindi lamang makakaapekto sa kultura ng ating bansa kundi pati na rin sa pulitika nito. Sa nais na makabuo ng sariling kultura, kasabay nito naapektuhan rin ang sistema ng pulitka ng bansa dahil hinuhubog ng kultura ang pagkatao ng bawat indibdwal na magreresulta sa panlipunan patungo sa pagkakakilanlan ng bansa.


References:
https://docs.google.com/presentation/d/1YXIp4nALJls9JDLyre5prPxxbOeRydMRxCKqDbLTtMU/edit#slide=id.p17
Salazar, Zeus. Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento