Miyerkules, Pebrero 22, 2012

Pebrero 20, 2012: Pagsasakatutubo

Ngayong araw na ito, nagsimula na ulit magbigay ng diskusyon ang aming propesor tungkol sa pagsasakatutubo o indigenization.

Itinuro at ipinaliwanag niya ang tatlo sa mga balangkas na pagkonsepto ukol sa pagsasakatutubo: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya at Pantayong Pananaw.

Ang Sikolohiyang Pilipino ay ipinakikilala na bakit gagamitin natin ang pamantayang hindi naman akma sa atin. Sinasabi din nito na lagi natin tinitimbang ang sarili natin na tayo’y kulang kung kukumpara sa mga kanluranin. Ang layon nito ay basagin ang paniniwala ng pag-aaral at pagtuklas ng kanluranin na phenomenon at bigyang pansin ang sarili nating kaisipan o ang mga local na batis. Hindi naman nito nais na itapon ang lahat ng kanluraning ideya, bagkus titingnan ito mula sa kritikal na perspektibo. 

Nabanggit din ang ukol sa concomitant trilogy of values. Sa ilalim nito ay ang utang na loob, pakikisama at hiya. Naniniwala ang Sikolohiyang Pilipno na tayong mga Pilipino ay likas na ganito. Isa pa sa mga pumukaw sa aking kaisipan ay ang pagtingin sa mga ugali nating Pilipino mula sa sarili nating perspektibo tulad na lamang ng “bahala na”, maaari naman natin itong tingnan bilang isang simbolo ng katapangan o risk taking. Ang crab mentality naman ay pwedeng tingnan bilang tawag o pagsagot tungo sa pagiging isang komunidad.

Nakasama din ang konsepto ng kapwa na ang ibigsabihin ay togetherness. Nahahati ito sa dalawa, ibang tao at hindi ibang tao. Nakasama din ang pagkakaiba ng puri at dangal. Puri ay panlabas na aspeto ng dignidad samantalang ang dangal ay ang panloob an aspeto ng dignidad. Papaano ka hinuhusgahan ng iba ay tumutukoy sa iyong puri habang papaano mo tinitingnan ang iyong sarili ay sinasaklaw naman ng dangal.

Mula sa lahat ng ito, naisip ko na kung sama-sama at magkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng iba’t ibang mga Pilipinong iskolar, sa tingin ko  makakabuo tayo ng pagsasakatutubo o ng sariling atin. Hindi bale ng may kakaunting impluwensiya ng kanluranin, basta’t ang importante ay nakabatay at sumasang-ayon sa ating pagiging Pilipino at pagka-Pilipino. Alam kong ito’y suntok sa buwan pero kung susubukan natin at unti-unting gawing pamantayang ang mga lokal na batis, magkakaroon na rin tayo ng sariling pundasyon. Pundasyon na maaaring lumaki, lumago at magbunga sa pagdating ng mga susunod na henerasyon, sana ito’y hindi magmistulang pangarap lamang. Makakatulong ito sa paghubog nga nasyonalismo ng ating bansa dahil maisasakatuparan na rin natin kung sino tayo, bilang tao, bilang mamamayan at bilang isang bansa. 

Sabado, Pebrero 18, 2012

Pebrero 16: Post-colonialism

Kalat kalat na pagkakakilanlan +isang arkipelago + isang bansa =Pilipinas



Hindi lamang sa pisikal na anyo ng ating bansa kundi pati na rin sa bawat mamamayan nanatili rito, mayroon talagang mga puwang na kailangang punuin. At sa tingin ko, iisa lang ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nating mga Pilipino, mapuno ang mga puwang na ito. Ito ay dahil sa kolonyalismo na naranasan natin sa ilalim ng mga Kastila, Amerikano at Hapon.

Buhat sa iba't ibang mga pangyayari at mga kultural na tradisyon napulot natin sa tatlong lahing nabanggit, nahihirapan tayong mga Pilipino mapukaw kung ano nga ba ang pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino. Nabanggit nga ng aming propesor na bago dumating ang mga dayuhang ito, may sarili na tayong sibilasasyon ngunit wala pa naman tayong sariling kultura di katulad ng mga Indiyano na sinakop ng mga Briton. Naniniwala ako sa sinasaad ng Pantayong Pananaw na dapat matuto tayong tingnan ang ating kasaysayan sa pananaw natin kasi kalimitan ng mga nakasulat at nakarekord ay mula sa perspektibo ng mga kanluranin. Hindi ba't ang tanging nakakaalam ng ating sariling pagkakakilanlan ay ang ating mga sarili?



Sa ngayon, naniniwala ako na nasa proseso pa tayo ng pabuo ng ating sariling pagkakakilanlan. Importanteng matukoy at mabuo natin ito para magkaroon ng kooperasyon at kapayapaan sa bansa. Maaari din itong maging susi ng kaunlaran at kasaganaan. 

Sa aking palagay, napagtanto ko na sa sarili kong kakahayan, sasanayin ko ang sarili ko na maging makabayan kahit sa simpleng pagtangkilik ng produkto at pagsasalita gamit ang wikang Filipino.

*Images from Google

Miyerkules, Pebrero 15, 2012

Pebrero 9: Feminism-Queer Theory

Sa usaping feminismo, bilang isang babae naniniwala at sumasang-ayon ako na dapat magkapantay ang karapatan namin sa mga lalake. Ang kaya gawin ng mga lalake ay kaya ding gawin ng mga babae. Halimbawa na lamang ay ang simpleng pagsakay ng bus. Kapag sumakay ka sa bus na tipong rush hour, hindi maiiwasan na wala ng bakanteng upuan at tatayo ka na lang sa loob nito. Sa mga ganitong sitwasyon dapat hindi umaasa ang mga babae na papaupuin sila ng mga lalake kung gusto pala nila ng pantay na karapatan. Kung titingnan, pare-pareho lang naman silang sumasakay sa bus at may kani-kanilang pupuntahan kaya bakit kailangan mag-demand ng isang babae na dapat maging gentleman ang mga lalake. Sa aking palagay, hindi nagiging arogante o walang respeto ang mga lalake kung hindi sila gentleman, siguro ibigay na lang natin ang aspeto ng pagiging gentleman kung ang lalake ay nanliligaw o may kasintahan.

Masaya ako na sa panahon ngayon gumagawa na rin ng ingay ang mga babae sa iba’t-ibang larangan tulad ng pulitika, sining, at palakasan. Nagkaroon ang mga babae ng karapatan na bumoto sa eleksyon, maging kandidato bilang pulitiko, karapatang makapag-aral at karapatang maipahayag ang kanilang mga saloobin, karapatang makapagtrabaho at ba pa. Hindi na isyu ngayon na ang mga babae ay dapat maiiwan lang sa bahay at tatayong housewife ng pamilya, may kalayaan na silang makapagtrabaho at tinatanggap na ito sa ating lipunan ngayon.

Sa ilalim ng feminismo ay ang mga isyu tungkol sa LGBT rights. Ayon sa sarili akong pananaw, ina-acknowledge ko ang kanilang karapatan ngunit naniniwala ako na kailangan may limitasyon sila. Hindi ko sila nais i-discriminate pero kung iisipin, sila ay gawa lamang ng realidad ng lipunan. Hindi nila masisisi ang ibang tao na hirap silang intindihin at tanggapin dahil hindi ito ang normal para sa lipunan. Gayunpaman, sa tulong ng advance na teknolohiya ngayon, unti-unting naging bukas ang isipan ng mga tao tungkol sa mga usapin tungkol dito. Madali na nating malalaman ang iba’t ibang boses ng mga tao ukol sa mga tomboy, bading, bisexual at transsexual. Alam kong tao rin sila na dapat nirerespeto at binibigyang pagpapahalaga pero dapat din nilang maging bukas sa iba’t ibang opinyon ng ibang tao dahil iba’t iba ang ating mga pinanggalingan at kultura o tradisyon na nakasanayan. Maaaring sa ibang tao ay tanggap na tanggap nila at sa iba naman ay sinusumpa nila dahil naisip nila na ito’y isang uri violation sa human nature.


Sa pagtatapos, medyo liberal akong tao pero masasabi ko din na konserbatibo ako sa ibang aspeto subalit sa usapin ukol dito, ako’y liberal naman. Tanggap ko ang tinatawag na third sex at naiisip ko rin na importante na palaging subukan na hanapin ang kabutihan sa kapwa. Sa ingles, always try to see the good in everyone. Isa ito sa mga paborito kong motto sa buhay para matulungan ko ang aking sarili na unawain ang mga taong naiiba sa akin. 

*Images from Google

Linggo, Pebrero 12, 2012

Pebrero 6: French Cultural Studies

Ang French Cultural Studies ay inihahalintulad sa Birmingham School of Cultural Studies. Parehong nakasentro  ang dalawa sa mga ordinaryong naratibo; ang Birmingham ay nakapokus sa kulturang popular samantalang ang French Cultural Studies naman ay nakapokus sa mga personal at lokal na naratibo.

Natalakay ng grupong ito ang ukol sa mga Jejemon. Sila yung grupo ng mga tao na kung magsalita sa text ay sobra sobra sa baybay at minsan pa nga may halo pa itong mga numero.  May sarili din silang pananamit na katulad nito: 


Ang jejemon makikilala din bilang isang kulturang popular dahil ordinaryong naratibo ito ng mga tao na bigla na lang umusbong at dumami. Sa totoo lang, hind ako masyadong pabor sa kanila dahil ang sarili nilang pananalita at lenggwahe ay para sa akin walang katuturan o walang layunin na nais maiparating. Hindi ko alam kung anong punto ng pagtetext at pagsasalita nila ng ganoon, subalit nirerespeto ko naman sila.

Isa  pa sa pinakatumatak sa aking isipan ay ang sinabi ng aking propesor pagkatapos niyang ikwento ang tungkol sa  isang Magna Cum Laude nagbigay ng talumpati noong nakaraang pagtatapos. Sabi niya, “You are just a small dot.” Ibigsabihin nito ay kahit anuman ang ating marating sa buhay, dapat tayong lumingon sa pinanggalingan. Ang existence natin sa mundo ay panandalian lamang kahit na llibre ang mangarap dapat isaalang-alang natin na kapag napasakamay natin ang tagumpay, huwag sana itong pumasok sa ating ulo dahil maiiwan tayong mag-isa.

Ang pagkamit ng pangarap ay maaaring magamit sa maraming bagay, hindi lamang sa pansariling interes. Maaari kang makapagbigay inspirasyon, gumawa ng pagbabago at ibahagi ang kasiyahan at kayamanang natatamasa sa iba. Para maisakatuparan ang lahat ng mga ito, mahalaga na alam natin ang sarili nating naratibo para may kakayahan tayong maipakita sa iba ang tagumpay na nakamit bilang aral at inspirasyon. 




*images from Google

Pebrero 2, 2012: Post-modernism

Ang post-modernism ay walang malawak na naratibo at ang mga pang-araw araw na ordinaryong kwento ay maaaring maging kabilang dito. Ipinapakita rin nito na hindi lahat ng nakikita ay kinakailangang totoo o katotohanan. Samakatuwid, iba iba ang nagiging interpretasyon ng mga tao.

Isa pang konsepto na malaki ang impluwensiya ay ang pag-deconstruct. Ayon sa sarili kong pagkakaunawa, ang deconstruct ay ang paghimay-himay ng bawat parte ng isang komposisyon depende sa sariling interpretasyon at pagkakaunawa ng isang tao.

Sa panahon ngayon, maraming bagay ang masasabi kong "post-modern," minsan hindi ko na tuloy makilala kung ang isang bagay ay post-modern dahil natatanggap na ito ng publiko bilang isang kagawian o tradisyon.


Sa tingin ko lahat ng tao ay may kanya- kanyang “post-modern” na katangian sa kanilang personalidad. Masasabi ko na “post-modern” akong mag-isip at makitungo sa ibang tao dahil sinasabi ko ang nasa saloobin ko, mabuti man o masama. Dito sa Pilipinas, kalimitan ng mga tao ay gumagawa ng tsismis o nagpapanggap na lamang at hindi sinasabi ang tunay nilang hinain sa mga bagay-bagay. Minsan naisip ko, tama rin naman na magkibit balikat sa mga pangyayari upang hindi makasakit ngunit ako’y naniniwala na importanteng ilantad ang katotohanan. Kung titingan natin ngayon, ang media ay dapat instrument para ihatid ang katotohanan subalit ngayon nagmistulan itong teleserye na ginagawang katatawanan ang mga pulitiko at ang iba png mga isyu sa bansa. 



*image from Google

Miyerkules, Pebrero 8, 2012

Enero 30, 2012: Frankfurt School

Ang sumunod na paksa na iniulat ay ang Frankfurt School. Ito ang masasabing katunggali ng Birmingham School sa kultural na pag-aaral.

Ang pinakatumatak sa isip ko ay ang layunin ng Frankfurt School na humanap ng instrumento patungo sa pagbabago o ang pagsilang ng mga social movements.

Sa panahon ngayon, pera o salapi ang importante sa karamihan. Mistulang mga kapitalista ang drama ng iba na ang pinakalayunin ay kumita. Kumita ng kumita ng para bang walang kasawaan. Oo nga't importante ang pera. Paano ka kakain kung wala ka nito, paano ka makakapag-aral, paano ka mabubuhay.

Ilan sa mga iba't ibang social movements na nakakapukaw-puso sa akin ay ang tungkol sa edukasyon, kalikasan at ang patuloy na neokolonyalismo ng mga Amerikano sa ating bansa.

Naniniwala ako na ang edukasyon ay dapat bukas sa kahit sinuman, kung kaya nga ito maging libre, bakit hindi. Kung ang lahat ng tao ay may paraan na makakuha ng edukasyon, makakapag-ambag ito tungo sa kaunlaran ng ating bansa.

Sa usapin naman ng kalikasan, hindi lamang ang ating bansa ang kabilang, buong mundo ay responsable sa magiging kalagayan nito. Habang maaga pa, dapat tayong magtulong tulong para mapanatili ang kagandahan ng ating kalikasan kung saan tayo namumuhay.

At ang huli, ukol sa neokolonyalismo ng mga Amerikano sa ating bansa, hindi man hayagan pero alam kong alam naman ng bawat isa sa atin ang impluwensiya ng mga Amerikano sa ating bansa. Patuloy tayong napasailalalim nila lalo na sa paksa ng ekonomiya, o sa ekonomikal na aspeto.

*Images from Google








Enero 26, 2012: Birmingham School of Cultural Studies

Sa kadahilanang hindi pa kumpleto ang karamihan sa mga grupo, ang grupo namin nila Ralf, Jikko at Rhea ang naatasang mag-ulat. Ang naatasang paksa sa amin ay ang Birmingham School of Cultural Studies.

Mayroong tatlong ideya na tumatak sa aking isipan matapos kong maiulat at mapakinggan ang mga karagdagang impormasyong ibinahagi ng aming propesor. Una, nilalayon ng Birmingham School na ituring ang mga pang-araw araw na kaganapan sa buhay ng isang tao bilang kultura o ang kulturang popular. Ikalawa, sa sobrang lawak ng sakop nito, nagiging pagpula dito ang tungkol sa hanggang saan ang maitatawag na kultura. At huli, ineendorso nito ang maka-masang kultura.

Hango dito, napaisip ako kung ano nga ba ang isang bagay na maituturing kong pang-araw araw kong kultura: pang-araw araw kong pag-uugali, pang-araw araw kong prinsipyo at pang-araw araw kong paniniwala.

Matapos ang konting pagmumuni-muni, napagnilayan ko na ang pinaka-prinsipyo ko talaga sa araw-araw ay ang pagiging tapat. As cliche it may seem and sound, I firmly believe that honesty is the best policy. Maipagmamalaki ko na ako'y isang tapat na tao. Paminsan pa nga sa sobra kong tapat, nagiging resulta nito ang pagkaprangka ko na may nadudulot namang mabuti at naniniwala ako na kahit masama man ang naidulot nito, katotohanan naman ang mga isinambit at nanaig. Sa kabilang banda, hindi ko maitatanggi na paminsan ako'y nagdadalawang isip na magsabi ng katotohanan dahil alam kong maaari akong mapahamak, o ito'y maaaring makasakit, pero ang nagiging resulta pa rin nito ay nagiging matapat ako. Ang pagiging tapat ay nagpapalaya ng kalooban, nagpapagaan ng pakiramdam at nakapagdudulot ng mabuti, masakit man o hindi.

Ang prinsipyong ito, hindi man natin mapapansin na nangyayari sa pang-araw araw na buhay, masasabi kong, sa aking paglalakbay, patuloy ko itong isinasabuhay dahil ito'y nakakabit na sa aking pagkatao.

*Image from Google