Miyerkules, Pebrero 22, 2012

Pebrero 20, 2012: Pagsasakatutubo

Ngayong araw na ito, nagsimula na ulit magbigay ng diskusyon ang aming propesor tungkol sa pagsasakatutubo o indigenization.

Itinuro at ipinaliwanag niya ang tatlo sa mga balangkas na pagkonsepto ukol sa pagsasakatutubo: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya at Pantayong Pananaw.

Ang Sikolohiyang Pilipino ay ipinakikilala na bakit gagamitin natin ang pamantayang hindi naman akma sa atin. Sinasabi din nito na lagi natin tinitimbang ang sarili natin na tayo’y kulang kung kukumpara sa mga kanluranin. Ang layon nito ay basagin ang paniniwala ng pag-aaral at pagtuklas ng kanluranin na phenomenon at bigyang pansin ang sarili nating kaisipan o ang mga local na batis. Hindi naman nito nais na itapon ang lahat ng kanluraning ideya, bagkus titingnan ito mula sa kritikal na perspektibo. 

Nabanggit din ang ukol sa concomitant trilogy of values. Sa ilalim nito ay ang utang na loob, pakikisama at hiya. Naniniwala ang Sikolohiyang Pilipno na tayong mga Pilipino ay likas na ganito. Isa pa sa mga pumukaw sa aking kaisipan ay ang pagtingin sa mga ugali nating Pilipino mula sa sarili nating perspektibo tulad na lamang ng “bahala na”, maaari naman natin itong tingnan bilang isang simbolo ng katapangan o risk taking. Ang crab mentality naman ay pwedeng tingnan bilang tawag o pagsagot tungo sa pagiging isang komunidad.

Nakasama din ang konsepto ng kapwa na ang ibigsabihin ay togetherness. Nahahati ito sa dalawa, ibang tao at hindi ibang tao. Nakasama din ang pagkakaiba ng puri at dangal. Puri ay panlabas na aspeto ng dignidad samantalang ang dangal ay ang panloob an aspeto ng dignidad. Papaano ka hinuhusgahan ng iba ay tumutukoy sa iyong puri habang papaano mo tinitingnan ang iyong sarili ay sinasaklaw naman ng dangal.

Mula sa lahat ng ito, naisip ko na kung sama-sama at magkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng iba’t ibang mga Pilipinong iskolar, sa tingin ko  makakabuo tayo ng pagsasakatutubo o ng sariling atin. Hindi bale ng may kakaunting impluwensiya ng kanluranin, basta’t ang importante ay nakabatay at sumasang-ayon sa ating pagiging Pilipino at pagka-Pilipino. Alam kong ito’y suntok sa buwan pero kung susubukan natin at unti-unting gawing pamantayang ang mga lokal na batis, magkakaroon na rin tayo ng sariling pundasyon. Pundasyon na maaaring lumaki, lumago at magbunga sa pagdating ng mga susunod na henerasyon, sana ito’y hindi magmistulang pangarap lamang. Makakatulong ito sa paghubog nga nasyonalismo ng ating bansa dahil maisasakatuparan na rin natin kung sino tayo, bilang tao, bilang mamamayan at bilang isang bansa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento