Lunes, Enero 30, 2012

Enero 19, 2012: Groupings

Sa araw na ito, dumaan sa pagsusulit ang aming klase ukol sa kung sino ang pinagkakatiwalaan ng mga tao pagdating sa paggawa ng mga presentasyon o report sa klase sa pamamagitan ng pagbuo ng grupo gamit ang school yard pick.

Ako'y nagalak naman sa resulta dahil naging kagrupo ko ang mga kaibigan kong sina Ralf, Jikko at Rhea. Naatasan sa amin na iulat ang ukol sa Birmingham School of Cultural Studies.

Napagtanto ko na ang mga iba't ibang teorya na ipinauulat sa amin ang magiging pundasyon sa pag-aaral namin ng CULPOLI. Maswerte rin kami dahil bawat isa sa amin ay maaaring maging "eksperto" sa isang disiplina ng kultura at pulitika sa pamamagitan ng pag-uulat at presentasyong ihahanda ng bawat grupo.

*image from Google

To Dominate or To Empower

 Matapos naming alamin sa loob ng klase kung kilala na namin ang aming mga sarili at ang mga iba o other namin, naitanong sa amin ang tungkol sa pagmamaliit o pagdodomina sa kapwa. Nangmaliit na ba kami o may nangmaliit na ba sa amin?

Sa diskusyon na nangyari, nalaman ko na pareho kong naranasan ang dalawang pangyayari na iyan, napasailalami at namaliit na ako ng iba at may mga namaliit na rin akong ilang mga tao. Isang halimbawa para sa napasailalim o nangmaliit sa akin ay ang relasyon sa pagitan ko at ng aking mga magulang. Sa puntong ito ng aking buhay, masasabi kong kontrolado pa rin nila ako, sa oras ng pag-uwi, sa iba-ibang mga organisasyon na pinapasukan ko sa unibersidad at iba pa ay nakasalalay pa rin sa kanila ngunit natutuwa naman ako kasi napagtanto kong pinapakita lamang nila ang pag-aaruga at pagmamahal nila sa akin. Minsan nga lang sumosobra at nakakalimutan nilang bigyang pansin ang tunay kong saloobin at totoong sitwasyon. Isa pang halimbawa ay ang mga guro at propesor dahil sila ang lubos na may kaalaman at nangingibabaw sa mga estudyanteng tulad ko sa loob ng isang klase. Subalit, dahil sa kanila, natututo ako hindi lamang tungkol sa asignaturang kanilang itinituro pati na rin sa pang-araw araw na realidad ng buhay.

Naranasan ko ng mangmaliit o magdomina sa ibang tao kapag hindi nila ako nirerespeto o kaya naman ay minsan inaamin ko na nagiging mayabang ako dahil pakiramdam ko mas mataas ako sa kanila. Halimbawa ay ang mga waiters or mga salesladies na walang pakialam sa'yo dahil nauuna ang panghuhusga nila sa pagkatao mo. Dahil dito, minsan ay hindi ko maiwasang matarayan sila at ipaglaban ang sarili ko laban na rin sa panghuhusga nila sa akin. Isa pang halimbawa naman ay ang sa kapatid ko, dahil mas bata siya sa akin. Kinukutya at inaasar ko siya minsan dahil alam kong mas may alam ako sa kanya sa ibang mga bagay bagay, ngunit hindi naman ito seryoso at kalimitan ay nagiging biruan lang.

Napagtanto ko rin sa lektyur na ito ang aking simpatiya sa mga kabataang nagtatrabaho at sa mga pangkat etniko sa bansa. Itinanong ko pa nga sa aming propesor kung ang pag-aaral sa kanila ay matatawag na pangmamaliit o hindi. Ang sagot sa akin ay kung kinukuhanan ko lang sila ng impormasyon para sa sarili kong interes, minamaliit ko sila pero kung pinag-aaralan ko sila para sila ay mabigyan ng kapangyarihan o to empower them, ang mas mahalaga. Matagal ko na kasing binabalak na sumabak sa pag-aaral sa mga pangkat etniko dahil
gusto ko silang matulungan. Mayroon akong isang kaibigang nagbahagi nga isang website : http://www.cartwheelfoundation.org/ na maaring makatupad sa hangarin ko.

*images from Google

Martes, Enero 24, 2012

Ako at Ikaw

Kilala mo ba ang iyong sarili? Kung gayon, sino ka?

Ang mga katagang iyan ang paulit ulit na tumatakbo sa aking isipan. Sa totoo lang, hindi ko lubos masabi kung talaga ngang kilala ko na ang aking sarili sa punto ngayon ng aking buhay. Alam kong kilala ko na ang aking sarili. Naniniwala akong oo.

Masasabing kilala mo ang iyong sarili kung kaya mong mailarawan kung sino ang "hindi ikaw" o ang iyong "other."

Dahil ako'y naniniwala na kilala ko ang pagkatao ko, ang "other" ko ang mga sumusunod:

  • Hindi madaling magalit o mairita, mahaba ang pasensya~Inaamin ko na ako'y isang tao na mainitin ang ulo at madaling mainip o mapikon
  • Marunong tumanggi at hindi madaling makumbinse~ Nahihirapan kasi akong tumanggi sa ibang tao, pakiramdam ko'y kasalanan ko kung tinanggihan ko sila at madali akong mapapayag sa kahit anong pabor.
  • Madamot~Ako'y mapagbigay :)
  • Medyo tahimik~ Kahit na sa una ay para akong mukhang seryoso at tahimik na tao, sa totoo lang, ako'y isang maingay at madaling pakisamahan na tao. 
  • Medyo rebelde at pasaway~ Masunurin akong anak kahit na minsan ay nagrereklamo ako sa aking mga magulang, sa huli, sinusunod ko pa rin sila.
  • Lalake~Babae ako
  • Matangkad~Medyo kinulang ako sa aspetong ito.
  • Positibo palagi- Ako'y negatibong tao. Lagi kong inaasahan ang negatibong kahihinatnan ng mga pangyayari.
Importanteng makilala ang sarili at makilala ang iba para sa maayos na pagkakaunawaan at relasyon sa isa't isa. Ayon sa pagkakakilala ko sa aking sarili, kapag naka-engkwentro ko ang isang tao na may ibang pagkatao sa akin, kaya ko itong pakibagayan at sa tingin ko maaari ko din siyang maging kaibigan. May ilan akong mga kaibigan na maituturing kong "other" ko, kahit na ganyan ang sitwasyon, nanatili pa ring matatag ang aming pagkakaibigan dahil ika nga sa ingles, we complement each other

*image from Google

Huwebes, Enero 19, 2012

Unang Yapak

Ang CULPOLI ay isa sa mga electives na pinili ko para sa term na ito dahil interesado talaga ako sa pang-araw araw na pulitika na namamayani sa isang tao sa bawat dagasdas niya sa buhay. Naisip ko na importante na mapag-aralan at maunawaaan ang kultura at pulitika ng isang tao dahil maaaring mag-ugat sa bawat indibidwal ang pagbabago na  nais nating makamtan kung pag-uusapan sa konteksto ng ating bansa. Maaaring ang pag-aaral na ito ang maging susi sa kaunlaran ng ating bansa, kagaya nga ng sabi ng aking propesor na si Dr. Contreras, "mas magandang magsimula sa ibaba kaysa sa taas." Kung titingnan, dapat bawat miyembro ng lipunan ay maging maayos para magbunga ng kaayusan sa buong pamamahala sa bayan. 


Napahanga din ako sa elective na ito dahil ang pag-aaralan ay ang kulturang popular na kung iisipin mo, "May pulitika ba sa mga ito?" At mayroon nga, kaya natin ito uunawain para magamit at matuto tayo sa mga bagay na maaaring maaapektuhan nito sa mas malawak na konteksto hindi lamang sa pang-araw araw. 


Ako'y umaasa na magiging masaya at makabuluhan ang klaseng ito hindi lamang dahil gusto at interesado ako pero dahil din marami akong bagong matututunan hindi lamang para sa aking sarili kundi para din sa bansa natin. 


*image from Google